Si Marie ang aking manika. Maganda siya. Kulay puti ang kanyang kulot na buhok. Maputi ang balat niya. Ang kanyang suot ay magara. Gawa siya sa porselana.
Si Marie ang aking kaibigan. Siya ang aking karamay sa tuwing ako ay malungkot. Kapag ako ay may problema, siya ang aking bulungan. Siya rin ang kayakap ko gabi-gabi. Kapag ako ay nababagot, siya ang kalaro ko. At hawak-hawak ko siya saan man ako magpunta.
Ang tanging ikinagagalit ko lang sa kanya ay ang hindi niya pagsagot pagkatapos kong magsalita. Bakit ganun siya? Naiisip ko tuloy hindi siya nakikinig. Kahit na nakatitig ang kanyang mga mata sa akin, para pa rin akong hangin na hindi niya nakikita.
Naaalala ko tuloy ang ilan sa mga kaklase ko. Matatalik ko rin silang mga kaibigan. Kalaro ko sila sa paaralan. Kapag walang pasok, inaanyayahan ko silang pumunta sa bahay para maglaro.
Sa tuwing ako ay nagkukwento, nakatitig din ang mga mata nila sa akin tulad ni Marie. Akala ko nakikinig sila pero sa tuwing pinapaulit ko sila ng kwento ko, iba na ang kanilang pinagsasabi.
Bakit may tulad ni Marie sa mundo? Bakit sa tuwing ako ay nagsasalita, kinakaya nilang magpanggap na nakikinig? Bakit gann? Bakit hindi nila kayang makinig? Isa ba akong baliw na hindi dapat pakinggan?
Ngayon, sabihin mo. Isa ka rin ba sa may mga kilalang Marie o ikaw si Marie?
No comments:
Post a Comment